Ni: Bea Tacazon
“Matao na naman ang palengke. Isa lang ibig sabihin nito,
Huwebes na naman kasi.” Iyan ang sumasagi sa isipan ko tuwing Huwebes at
magdaraan ako sa palengke ng aming bayan.
Bata pa ako noon nang malimit na akong uwian
ng pasalubong ng tatay ko. Basta tuwing Huwebes at araw ng palengke eh aba’y
may inaaasahan akong isang supot na masasabi kong isa sa mga elementong
kumumpleto sa kabataan ko. Isang supot na may lamang siopao na maliit. Ito kasi
ang paborito kong pagkain. Kilalang kilala niya talaga ako.
Mula noon, ang taga-uwi ng siopao sa akin
parati ay ang kakampi ko sa lahat ng bagay. Maging sa nanay ko o kapatid ko
kapag may konting alitan. Tumatatak sa isipan ko ang mga katagang kanyang
binigkas noon na sa ilan siguro ay biro lamang na sa kabilang dako, sa akin ay
matalinhaga. “Naning, bay-am ta nu adda kwartak ket igatangan kanto met
kwartam.” At “Nu agkabaw nekton ah ket ilabam to lupot ko. Sikan to pay
mangilaba brief kon.”
Sadyang palabiro kasi siya. Mana-mana lang
yan, kaya ako din may kapilyuhan minsan. Kung ano ang puno siya rin ang bunga.
Lumulundag ang puso ko sa kasiyahan at labis
ang pasasalamat sa Diyos dahil sa tatay kong walang kapantay.
Mula noong nagkaisip na ako, ika nga nila ay
papa’s girl ako. Kahit noong nag-aral na ako ng pre-school siya ang dakilang
tagahatid at tagasundo sa akin. Siya ang taga-ayos, nagpapakain, at kasama ko
lagi. Naalala ko nga na noong nagkasakit ako eh piyesta pa naman namin. Para
lang masunod ang kagustuhan kong makasama sa prusisyon eh sumakay ako sa
tricycle naming at siya ang nag-drive at pumunta kami sa likod nggprusisyon,
mga tatlong taon ang edad ko. Mga apat naman ang edad ko noong inilagay ko sa
bag ang pusa naming na pumunta sa Day Care Center ng aming barangay eh lahat na
yata ng nakaka-alam pinagalitan ako maliban sa kanya.
Hanggang sa nag-elementarya ako eh siya pa
rin ang bestfriend ko. Siya nga kasama ko sa martsa sa graduation. At kahit
noong highschool ako, siya ang tagaluto ng baon ko. Maaga siyang gumigising
para lang maihanda ang lahat at hanggang sa pag-abang ko ng sasakyan papasok,
siya ang kasama ko. Minsan siya ang taga-para at may hawak ng bag ko o kaya ay
taga-bigay ng paying kung nakakalimutan ko. Sa lahat ng okayon na kailangan
akong sunduin, wala siyang tanggi. Gabi man o tanghali.
Ngayon, college na ako at walang nagbabago
sa tatay kong walang papantay nino man. Siya pa rin ang kinalakhan kong haligi
ng tahanan. Masipag pa rin at walang kupas. Kalabaw lang ang tumatanda.
Kaya wala na akong hinihiling pa mula sa
kanya. Magsisipag ako sa pag-aaral para magtagumpay ako sa buhay at maibalik
ang lahat ng kabutihang kanyang pinamalas. Bato-bato sa langit ang tamaan
puwera mabukol pero wala kayo sa tatay ko. Astig yun noh!Bakit? Naku, masuwerte
ako na hindi iresponsable ang tatay ko. Kaya kulang pa kahit na ako ang
taga-laba niya kapag ulyanin na siya. Kulang pa na bibigyan ko siya ng pera
kapag nagkatrabaho na ako. Minsang kapag nasusungitan ko siya, nakokonsensiya
ako kaagad. Ang taong walang ibang hinangad kundi ang mabuti para sa amin.
Dumungaw ako sa bintana ng bus. Nasa bayan
na kami ng Sto.Domingo. Nang masagi sa isip ko ang petsa. Huwebes na naman
kasi. Maingay, nagkalat ang mga tricycle at tindang kakanin at siopao. Isang
tao ang nawawangis ko, isang makabuluhang araw ng buhay ko- tuwing Huwebes.
No comments:
Post a Comment