WELCOME TO MY BLOG SITE!


Tuesday, September 17, 2013

Tuwing Huwebes


Ni: Bea Tacazon     
    “Matao na naman ang palengke. Isa lang ibig sabihin nito, Huwebes na naman kasi.” Iyan ang sumasagi sa isipan ko tuwing Huwebes at magdaraan ako sa palengke ng aming bayan.
    Bata pa ako noon nang malimit na akong uwian ng pasalubong ng tatay ko. Basta tuwing Huwebes at araw ng palengke eh aba’y may inaaasahan akong isang supot na masasabi kong isa sa mga elementong kumumpleto sa kabataan ko. Isang supot na may lamang siopao na maliit. Ito kasi ang paborito kong pagkain. Kilalang kilala niya talaga ako.
    Mula noon, ang taga-uwi ng siopao sa akin parati ay ang kakampi ko sa lahat ng bagay. Maging sa nanay ko o kapatid ko kapag may konting alitan. Tumatatak sa isipan ko ang mga katagang kanyang binigkas noon na sa ilan siguro ay biro lamang na sa kabilang dako, sa akin ay matalinhaga. “Naning, bay-am ta nu adda kwartak ket igatangan kanto met kwartam.” At “Nu agkabaw nekton ah ket ilabam to lupot ko. Sikan to pay mangilaba brief kon.”
    Sadyang palabiro kasi siya. Mana-mana lang yan, kaya ako din may kapilyuhan minsan. Kung ano ang puno siya rin ang bunga.
    Lumulundag ang puso ko sa kasiyahan at labis ang pasasalamat sa Diyos dahil sa tatay kong walang kapantay.
    Mula noong nagkaisip na ako, ika nga nila ay papa’s girl ako. Kahit noong nag-aral na ako ng pre-school siya ang dakilang tagahatid at tagasundo sa akin. Siya ang taga-ayos, nagpapakain, at kasama ko lagi. Naalala ko nga na noong nagkasakit ako eh piyesta pa naman namin. Para lang masunod ang kagustuhan kong makasama sa prusisyon eh sumakay ako sa tricycle naming at siya ang nag-drive at pumunta kami sa likod nggprusisyon, mga tatlong taon ang edad ko. Mga apat naman ang edad ko noong inilagay ko sa bag ang pusa naming na pumunta sa Day Care Center ng aming barangay eh lahat na yata ng nakaka-alam pinagalitan ako maliban sa kanya.
    Hanggang sa nag-elementarya ako eh siya pa rin ang bestfriend ko. Siya nga kasama ko sa martsa sa graduation. At kahit noong highschool ako, siya ang tagaluto ng baon ko. Maaga siyang gumigising para lang maihanda ang lahat at hanggang sa pag-abang ko ng sasakyan papasok, siya ang kasama ko. Minsan siya ang taga-para at may hawak ng bag ko o kaya ay taga-bigay ng paying kung nakakalimutan ko. Sa lahat ng okayon na kailangan akong sunduin, wala siyang tanggi. Gabi man o tanghali.
    Ngayon, college na ako at walang nagbabago sa tatay kong walang papantay nino man. Siya pa rin ang kinalakhan kong haligi ng tahanan. Masipag pa rin at walang kupas. Kalabaw lang ang tumatanda.
    Kaya wala na akong hinihiling pa mula sa kanya. Magsisipag ako sa pag-aaral para magtagumpay ako sa buhay at maibalik ang lahat ng kabutihang kanyang pinamalas. Bato-bato sa langit ang tamaan puwera mabukol pero wala kayo sa tatay ko. Astig yun noh!Bakit? Naku, masuwerte ako na hindi iresponsable ang tatay ko. Kaya kulang pa kahit na ako ang taga-laba niya kapag ulyanin na siya. Kulang pa na bibigyan ko siya ng pera kapag nagkatrabaho na ako. Minsang kapag nasusungitan ko siya, nakokonsensiya ako kaagad. Ang taong walang ibang hinangad kundi ang mabuti para sa amin.

    Dumungaw ako sa bintana ng bus. Nasa bayan na kami ng Sto.Domingo. Nang masagi sa isip ko ang petsa. Huwebes na naman kasi. Maingay, nagkalat ang mga tricycle at tindang kakanin at siopao. Isang tao ang nawawangis ko, isang makabuluhang araw ng buhay ko- tuwing Huwebes.