WELCOME TO MY BLOG SITE!


Monday, January 13, 2014

Karanasan Sa Pasko


Bawat araw na lumipas, katangi-tangi ang isa. Hindi ang aking kaarawan o ang sa iba; kundi ang kaarawan ni Hesus Kristong walang iba. Kilala mo ba siya? Alam mo ba ang tungkol sa kapanganakan  niya?
Kaiba itong sa kanya. Lahat ng magkaaway nagkakabati at mga mahal sa buhay na nawalay ay nagsisidatingan. Ang lahat ng kabahayan ay naghahanda ng nakakatakam na pagkain. Ang mga bata’y nangangaroling, nagkakantahan, at binabagtas ang kalsadang naiilawan ng mga makukulay at tila ba nagsasayaw na parol. Muling maririnig ang kampana ng simbahan sa medaling araw at kabilaan ang bigayan ng regalo. Ito ang mga pangyayaring minsan lang sa buong taon kung ganapin. Lagi kong inaabangan at ng lahat ng kabataan. Ito ang kapanganakan ng ating tagapagligtas na si Hesus – ito ang tinatawag na Pasko.
            Taon-taon nating ipinagdiriwang ito ngunit ang nakaraang Pasko ang pinakaespesyal. Ang higit sa isang taon kong hindi nakasamang paboritong pamangkin galing sa abroad ay umuwi dito sa Pilipinas para magbakasyon kasama ang kanyang mga magulang. Hindi man kami kumpletong pamilya Tacazon ay parang buo pa rin kami. Ganoon na rin ang pakiramdam dahil ramdam naming ang sayang walang katulad at walang halong pagkukulang kasi nangamusta naman ang mga kamag-anak naming nasa malayo.
            Dahil nga Pasko, naghanda kami ng caldereta para sa hapunan na aming ibinahagi sa mga kapitbahay na kamag-anak rin namin. At nang Noche Buena naman ay sa hapag-kainan mayroong spaghetti, macaroni, pansit, barbeque at softdrinks na aming pinagsaluhan. Malamig ang simoy ng hangin at sumasaliw ang kabilaang pinapatugtog ng mga kabaranggay na awit pamasko; idagdag pa ang mga nagsisiuwian galing simbahan para sa misa ng Pasko. Ngunit isa sa mga hindi naming nakasanayang gawin na karaniwang ginagawa ng ibang pamilya ang bigayan ng regalo. Sapat na kasi sa amin ang pagtutulungan kung may kailangan at sama-samang ipagdiwang ang mga okasyong espesyal sa aming tahanan.
            Lahat ng ito nangyayari lamang tuwing ika-25 ng Disyembre. Kilala mo naman siguro ang tagapagligtas nating lahat sa ating mga kasalanan. Si Hesus na nag-iisang anak ng Diyos. Pasko ang araw ng kapanganakan Niya na ipinagdiriwang saan mang panig ng mundo. Walang dudang katangi-tangi ang mga karanasan sa tuwing sasapit ang araw Niya. Sa mga nakuwento ko, ito ang paglalarawan ko ng Pasko. Ito ang mga karanasan ko noong nakaraang Pasko. Ikaw, maaari mo bang ibahagi ang sa inyo?